Saturday, May 11, 2013

GO OUT AND VOTE.. DAPAT TAMA!

     Huling araw ng kampanya at sa ika- 13 ng Mayo sa kasalukuyang taon, sasapit na naman ang eleksyon. Madami nanaman siguro ang mga magaganda at namumulaklak na pananalita ang inyong narinig mula sa mga kumakandidato, simula sa pag ka Senador hanggang sa pag ka Konsehal ng iba't ibang bayan. Kabi-kabila ang tulong at atensyong kanilang naipamalas. Nakapili ka na ba? May napupusuan ka na ba? Napaniwala ka ba nila sa kanilang mga plataporma? Nagawa ba nila ang kanilang mga tungkulin noon? Maayos ba ang "track record" ng iyong kandidato? Aakalain mong ikaw ay isang judge sa isang contest at mahalaga ang boto mo para may manalo.

    Mayroon din mga pulitikong handang magbayad para sa iyong boto. Papayag ka ba? Babayaran ka ng 500 o higit pa para isulat lang ang kanilang pangalan sa mahiwagang papel. Kung tutuusin, napaka dali naman gawin niyon diba? isusulat lang pala eh, magkakapera na! Ngunit naisip mo bang ang perang ibinigay niya sayo sa panahon ng eleksyon o botohan, ay maaari niyang bawiin sa oras na siya'y maupo? Ang mga pulitikong nagbabayad at nanunuhol ay walang pinagkaiba sa pangungurakot. Sa bandang huli, ikaw din ang kawawa, ikaw din ang mahihirapan, ikaw din ang mag dudusa. Sana iwasan na ang ganoong sistema.

   Madaming katanungan ang nasa isip marahil lalo na para sa mga bagong botante. Mga kabataan na ngayon pa lang mararanasan ang pag boto. Aba! Sosyal na nga na maituturing dahil PCOS machine na ang gagamtin. Ngunit sa kabilang banda, ang bawat isa sa atin ay may mabigat na dalahin sa darating na Lunes, araw ng eleksyon. Nasa kamay nating lahat ang pag asa ng bagong umaga. Nasa kamay nating lahat ang muling pagsibol ng bagong pag asa! 

   Para naman kay Juan na ayaw bumoto ngunit isa naman rehistradong botante. Karapatan mong bumoto! Sabi nga nila kung hindi ka botante, wala kang karapatang magreklamo. Maaari ngang tama ang kasabihang iyon, ngunit hindi maiiwasan na minsan ka nang nadismaya sa mga pangalan na iyong sinulat sa balota nang oras na naupo na sila sa kani-kanilang mga trono. Ang mga pangako at matatamis na salita noong kampanya ay  naging isang malamig na hangin na lamang habang nag hihintay ka sa kanilang mga opisina. Kaya mas pinili mo nalang huwag bumoto kesa madismaya nanaman. Ganoon pa man, DAPAT at karapatan parin natin ang pag boto. Baguhin na ang ganoon pamamalakad. Maging mapagmasid at talasan ang pakiramdam sa pag pili ng pangalang isususlat sa balota. Ika nga e, "exercise your Right to Vote!"

   Para naman sayo na hindi pa botante, ngunit nasa hustong gulang na, oras na para makibahagi ka sa kasaysayan. Sa susunod, mag parehistro at patunayan sa sarili na isa kang mabuting mamamayan ng iyong bayan at bansa. Akala ng iba, ang botohan ay isang ordinaryong araw lamang, ngunit ang isang ordinaryong araw na yan ang magpapabago, magpapaganda, magpapa asenso o magpapasama, magpapasadlak ng ating kinabukasan at magpapa hirap sa ating inang bayan.

    Maging ikaw man ay Pilipinong nasa ibang bansa, sana'y naka pili ka ng Tunay na maglilingkod para sa iyong bayan. 

   Ito na ang pampitong beses na ako'y mamimili ng ihahalal, at para sa akin, ang pag boto ay hindi madali. Hindi naman kasi pare parehas ang nangyayari sa bawat eleksyon diba? Ang akin lang, ang dapat na kakatawan at mamumuno sa aking bayan at bansa ay marunong din maging isang taga sunod. ( A good leader must be a good follower ), at higit sa lahat, yun totoong may takot sa Diyos.
 
   Sa darating na halalan, gumising ng maaga, isulat sa papel ang numero na iyong napupusuang kandidato para sa iyong reference ng pagboto. Alamin ang presintong iyong kinabibilangan. At ayon nga sa isang ad at kanta sa isang network channel, laging iisipin..... sa isip, sa salita at sa gawa... DAPAT TAMA!


 
 
Sa Lunes,  ito ay malalagyan na ng tinta na katunayan sa aking pag boto. .

May 10, 2013

No comments:

Post a Comment